Kagawaran ng Pagbabagong Buhay
Isang halos hatinggabi nang tumungtong ang pusa sa pridyider upang hulihin ang isang paru-parong nakapasok sa loob ng bahay. Nasagi ng padambang pusa ang isang plastik na saging na nahulog naman sa isang kahoy na lamesita. Dali-daling nagising si G. Benjamin Caparas mula sa kwarto nito, tumayo, nagtatalon at nag-umpisang magpagpag ng sarili: sa kanyang mga braso, dibdib, leeg, magkabilang hita, at kung saan-saan pa, habang paulit-ulit na nagsisisigaw ng Nay! Nay! Nay!
Sa kanyang bagong gising na utak, nagparamdam ang mga epekto ng pagkamanhid bilang ilang libong pulang langgam na nangangagat at nagsusumiksik sa ilalim ng lahat ng sulok ng kanyang balat. Apnea na naman ba? Nangamba siyang baka hindi lang paghinga ngunit baka pati pagtibok ng kanyang puso ay tumitigil na rin habang siya ay natutulog. Lumabas siya ng kwarto, nagbukas ng ilaw at kumuha ng isang tipak ng yelo mula sa pridyider at pinahid ito sa dibdib. Naupo siya sa sofa at huminga nang malalim. Parang kay bagal pa rin ng kanyang paghinga at hindi mapuno-puno ng hangin ang mga baga, na parang di pantay ang paglanghap at pagbuga ng magkabilang gilid nito. Kung mayroon pa rin sana siyang alarm and monitoring kit ay may gigising sa kanya bago pa man mamanhid ang buong katawan. Hindi na niya ito naisip na ipaayos dalawang taon na ang nakakaraan dahil sa pag-aakalang tuluyan nang nawala ang kanyang sakit. Ngunit dahil pang-sampung beses na itong nangyari sa kanya ngayong nakaraang dalawang linggo, alam niyang naabutan na naman siya ng dating karamdaman, ang sakit niya noong kahit hindi pa man siya si G. Benjamin Caparas.
Pumuwesto ang pusa sa tabi niya at nahiga. Pinagmasdan lang niya ito, itim na dating pusang kalye, ang bumulabog sa kanya, pasasalamatan ba niya ito o ibabalibag? Minsan ay naisip na niyang isang beses ay hindi na lang siya magigising. Kaya't importanteng maaga siyang mabigyan ng pahintulot ngayon ng putang-inang direktor. Tiningnan muli niya ang pusa at pagkatapos ay bahagya siyang lumayo sa pagkakaupo. Sinong makakaalam kung gaano karumi ang mga balahibo nito o kung saang sulok ito nagliwaliw? Pagkaraan ng ilang minuto ay natulog na ang dalawa, una ang pusa at pagkatapos ay siya naman.
Dahil sa isang pagpupulong, makapananghali na nang dumating ang bagong direktor ng kagawaran na si Dr. Pangilinan. Bago pumasok sa kanyang opisina, sinilip nito sa waiting room ang ilang aplikanteng nasa huling bahagi na ng mga pagsusuri. Iilang lalake at babae at lahat nakasuot ng pormal. Napansin nito ang isang lalaking mahigit sa sisenta'y singkong taong gulang, maitim, payat. Nakaupo ito sa may dulo ng kwarto, malayo sa ibang aplikante, katabi ang aquarium. Kakatwa. Takaw-pansin, sa sandaling pagtingin lang ay maiisip na eksaherado ang paghinga nito habang masyadong tuwid naman ang pag-upo. Kung hindi siya nagkakamali ay ito na si Benjamin Caparas. Naumpisahan na niyang basahin ang file nito kamakailan; ito ang dating si Rodrigo Carandang. Na dating si Mario Torrevilla. Na dating si Angelo Sy. May kung anong mali sa taong iyon, naisip niya at kahit anuman ang sabihin ng kanyang mga resulta sa psychological test, hindi ko na siya papayagan ngayon. Marunong lamang itong mandaya, marahil.
Sa loob ng kanyang opisina, pinindot niya ang buton upang kausapin ang kanyang sekretarya. "Huwag ka munang magpapasok, Jenny. May babasahin pa akong ilang dokumento rito." Samakatuwid, iyung si Angelo Sy ang isa sa mga unang naging kliyente ng Kagawaran ng Pagbabagong Buhay dalawamput't-limang taon na ang nakakaraan. Noong mga panahong iyon, puro lamang mga kriminal na nakabuno na ng kanilang mga sintensya at mga testigo sa mga kasong kriminal na nanganganib ang buhay ang nangangailangan ng tulong ng Departamento nila. Isang mayamang high-profile witness dati laban sa isang politiko itong si Sy. Ngayon, isa na lamang siyang adik na hindi marunong gumawa ng sariling pamilya at bumibili na lamang ng mga bagong buhay. Pero dahil ito marahil sa kakulangan ng mga lumang direktor, marahil ay dahil sa mga suhol. Puwes, kaya siya itinalaga sa posisyong ito ay upang siguraduhin hindi nasasayang ang mga ginagawa ng gobyerno.
Pagkarating sa kanyang mesa, binuksan ni Dr. Pangilinan ang monitor program sa kanyang computer. May walong kwartong ginaganapan ng mga interbyu ngunit isa lang ang kasalukuyang okupado. Nasa loob ang tagapanayam at isang babaeng marahil ay trenta taong gulang, may mahabang buhok, nakasuot ng itim na jacket.
"Pangalan mo?" tanong ni Larry, isang matandang sikayatrista na nakasalamin at pawisang polo.
"Magda Jose po." Mahina ang boses ng babae at marahang magsalita. Tirahan. Mga magulang. Natapos na kurso. Mayroong kaunting pagkautal at kaba sa kanyang mga sagot.
"Sabi rito sa form mo ay isa kang... manunulat." Tumango si Magda. "Ano ang mga sinusulat mo?"
"Mga kwento po, konting poetry. Minsan po ay mga romance novels. Minsan. Kasi usually literary naman ang ginagawa ko."
May inilista si Larry sa chart na hawak nito. "Romance novels. Ah, eto, nakasulat na pala dito." Tiningnan niya ng matagal si Magda. "Puwes, tatapatin kita, Ms. Magda, bumalik na ang mga resulta ng iyong mga kinuhang test at ayon sa mga ito... hindi ka nababagay para mabigyan ng bagong buhay. Una dahil masyado ka pang bata, sabihin nating may fluidity pa sa kasalukuyan mong buhay. Mag-isa ka lamang na nakatira sa... Pasig, condo. Nakasulat dito ay wala ka na namang pamilya, walang mga natitirang magulang o mga kapatid. Saan ka pa kailangang tumakas? Palagay namin ay kaya mo nang imbentuhin muli ang sarili mo, nang walang tulong mula sa gubyerno. Pangalawa, maliit ang posibilidad na masusuportahan mo ang sarili mo kung magpapalit ka ng pagkatao mo. Ayon sa resulta... oo, hindi ito maganda. Ikaw yung tipong naghihintay. At ang tipong nasisiyahan sa paghihintay. Isang ehemplo. Tingnan mo, sa standard Stanford-Binet personality appreciation tests, pumili ng kanta sa mga ito:"
a) Everlong ng Foo Fighters mula sa album na The Colour and The Shape
b) Estranged ng Guns N' Roses mula sa album na Use Your Illusion II
c) Ghost World ni Aimee Mann mula sa Batchelor no. 2
ngayon, may pagkakapareho rin naman sa ilang tema ang mga ito, ngunit pinili mo ang letter A, Everlong. Hindi isang mabuting indikasyon, Ms. Jose, kasama ng marami pang di-mabubuting mga indikasyon. Ano pa ba ang hihintayin mo?"
Hindi makatingin si Magda kay Larry, ang sikayatrista. Nagpatuloy ang matanda. "Ikaw ay personality type IV-CE, sa mga naghihintay, ikaw ang naghihintay ng tagapagligtas. Na maaari o maaaring maging hindi isang indibidwal. Mga malalaki at maliliit na bagay ang inaasahan mo ring makakapagligtas sa iyo. Katulad ng: pagdating ng mga perpektong kaligayahan-- kunwari habang nanonood ng isang konsiyerto, o kaya kung may makita kang isang napakagandang babae habang naglalakad, o kaya ay kung makasulat ka ng isang pambihirang nobela ay naiisip mong maliligtas ka, yayaman ka, makabibili ng oras para magsulat ng mas marami pang pambihirang nobela. Na kikita sa iyo ng marami pang pera, na gagamitin mo upang makabili ng mas marami pang oras, so on and so on, ad infinitum. Sa makatuwid, Ms. Jose, masasayang lang namin sa iyo ang anumang panibagong buhay na maiibigay namin. Isa pa, kaunting kaunti na lang ang talaga slots na available ngayon, Ms. Pasensya na." Nag-ayos ng salamin si Larry. Pinansin ang sariling polo na ngayon ay mas puno ng pawis.
Hindi na niya kailangang ipagpatuloy ang eksena, alam na niya kung paano iyun matatapos. Nilipat ni Dr. Pangilinan sa room 4 ang view sa monitor. Nasa loob mag-isa ang aplikante, marahil ay lumabas lang panandali ang kanyang empleyado. Tiningnan ng doktor ang lalake. Bata pa. Bakit ba kahit sino na lang ngayon ay nag-iisip na maaari na nilang iwanan ang kasalukuyan nilang buhay? Sa lumang republika, naisip niya, kinikilalalang isang bagay na makakasira sa bansa ang tanggapang pinaglilingkuran niya ngayon. Pero walang magagawa, ito na ang dinidikta ng panahon ngayon, mula sa malawakang pagka-uso ng pagpapatiwakal noong pagdating ng bagong milenyo: mga nagsisitalunan sa mga tulay, gusali, mga billboards at anupaman, pati sa mga kulungan at mga mental institution, ng mga mayayaman at mahihirap, napag-isipang buuin ang Kagawaran. Pero mali pa rin. Walang istabilidad. Mga taong nagsisitakbuhan na lamang na parang mga -- ano nga ba ang salita para doon-- yahoo? Parang mga yahoo. Katulad ng aplikanteng pinapanood niya ngayon.
Kagawaran ng Pagbabagong Buhay, basa ng aplikante sa isang plake sa dingding. Pero sa totoo lamang, naisip ni Julio Carias, ang dapat itawag dito ay Kagawaran ng Pagtakas. Hindi naman sa may bahid ng di pagsang-ayon sa kanya para sa punsyon ng sangay na ito, pati naman siya ay nagbabaka-sakali rin. Kaya lang ay dapat tawagin ang isang bagay sa kung ano talaga ito. Pagpalain ka ng Diyos, o Kagawaran. Mwah! Mwah! Mwah!, o Kagawaran.
Pero alam niyang hindi dapat siya masyadong umasa, maliit na maliit ang tsansa niyang payagan; mayroon siyang dalawang anak at isang sinusuportahang magulang. Bago siya lumuwas patungong Maynila ng umagang iyon ay tiningnan niya ang kanyang natutulog na pamilya. Sa kaso niya, kung maaprubahan ang kanyang aplikasyon, hula niyang pagmumukhaing namatay siya, bibigyan ng bagong mukha, at pagkatapos ng mga operasyon at mga legal na bayarin, malaking porsyento ang kakaltasin mula sa kanyang mga yaman at mga kikitain at ipangtutustos sa pamilya niya. Sasabihing galing sa matagal na niyang tinatagong insurance. Isa akong sakim at masamang tao sa pag-iwan sa kanila, ngunit ano nga ba ang magagawa ko? Pero bakit ko nga ba gagawin? Dahil gusto ko lang malaman kung may panibagong buhay sa aking maghihintay? Hindi lang iyon. Ang dahilan ay dahil sa walang dahilan.
Isa lamang biswalisasyon, pero pakiramdam niya ay may butas sa kanyang utak. Hindi niya maaaring sabihin kung paano mag-isip ang ibang tao ngunit sa palagay niya ay naiiba siya, may mali. Na kung sa lahat ng kanyang kakilala ay A para maging B, C para maging D, sa kanya ay --may naalala siyang isang joke mula sa kanyang paboritong komedyante, ang namayapang si Mitch Hedberg ng bansang Amerika. Sa ilalim ng mga liham, gusto kong sinusulat:
PS: ito ang magiging itsura ng parte ng alphabet kung ang mga letrang Q at R ay tinanggal.
Ang bagong buhay na ipinapangako ng kagawaran, maaaring nakalakip dito ang mga natatagong parte ng kanyang alpabeto, na na-forward in advance sa bagong mailing address habang narito pa lamang siya. Tama ba? Napapikit siya. Mag-isang tumayo ang kanyang katawan at gumalaw ang kanyang mga binti, nakarating siya sa kanilang bahay ng pasado alas-otso ng gabi. What the fuck? sabi niya. Pagkatapos ay napangiti.
Pagkaraan ng ilang minuto ay natapos na ring basahin ang mga record ni G. Caparas, ang buong buhay nito. Pinatuloy na ito sa loob ng opisina ng sekretarya. Kakatwa pa rin ang isang ito, na parang may mali sa mga mata niya.
"Good morni.. afternoon ho, sir."
"Good afternoon din. Ginoong Caparas?" Tumango siya, pagkatapos ay naupo sa harap ng direktor. Matagal na nagpaliwanagan ang dalawa. Sinabi ng direktor ang mga dahilan kung bakit hindi mapapayagan ang kanyang petisyon.
"Doc, kailangangang-kailangan ko na iyang tulong niyo. Totoo niyan, nangangamba pa rin ako sa buhay ko. Naniniwala ba kayo sa ideya ng mga Hindu sa reinkarnasyon? Alam kong isang proseso ng tao lang nga ito, dito sa opisina niyo, konting pagmamanipula sa mga rekord, sa doktor, kaunting plastic surgery, pero sa palagay ko, mas malaki ang nagagawa nito, kapag pinapalitan natin ng pangalan at pigura ang isang bagay. Noong ako pa si... Angelo Sy, isa akong mayamang businessman. Hindi, gambling lord. Kayhirap nang alalahanin, pero makasalanan ako noon, maraming nagawa. Nang napasailalim ako sa programa niyo, malaki ang nagbago sa akin. Gumaling ako sa aking mga sakit. Nailigtas ako sa kasalanan, sa tinutukoy ng mga konseptong Judaeo-Kristiyano. Sa impyerno ng dagat-dagatang apoy. Nagbabasa pa rin ba kayo ng Bibliya? Pakiramdam ko noon ay ako si Lot, na patakas sa Sodom, o kaya ay si Pablo na galing sa Tarsus. Para itong sakramento. Eto ang punto ko, hindi kumpleto ang proseso, may humahabol pa rin sa akin. Nagkaroon ako ng panaginip isang buwan na ang dumaan. Nakasalubong ko raw ang dati kong asawa at ang aking mga anak. Wala na sila ngayon pero sa panaginip ko ay ganoon pa rin ang kanilang edad. Nakasalubong ko ang dati kong sarili, magkakasama sila, masaya sa isang magandang lugar. Ngunit nang nilapitan ko ang dati kong sarili, nakita kong hindi pala ako iyon, si Azazel, isang nahulog na anghel. At marahil katulad sa proseso ng Yom Kippur ang Kagawaran ng Pagbabagong Buhay, nailigtas ako ngunit hindi kumpleto, nahulog naman sa pagkakasumpa, ang aking mga iniwanan. Kaya't... kaya't... kaya't...." Natumba ang matanda at nawalan ng malay. Mabilis na humingi ng tulong si Dr. Pangilinan mula sa mga empleyado ng Kagawaran.
Nang gabing iyon, bago matulog si Ginoong Pangilinan, sinubukan niyang kaawaan ang namatay na aplikante. Hindi niya nagawa.
Labels: old story, tagalog